Matapos ilunsad ni Maine Mendoza noong nakaraang linggo ang 'DoNation' fund drive para sa daily wage earners na naapektuhan ng community quarantine bunga ng COVID-19, nakalikom na agad ang aktres ng mahigit kalahating milyon piso.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, lubos-lubos ang pasasalamat ni Maine sa mga tumulong sa kaniyang fund drive.

Umabot umano sa P587,677.62 ang nalikom niyang pondo na gagamitin naman para makatulong sa 587 na pamilya na naapektuhan ang kabuhayan dahil sa enhanced community quarantine.

Kabilang sa kaniyang mga natulungan ay ang mga tricycle, jeep at bus drivers, street vendors, construction workers, janitors, service crews at marami pang iba.

Aniya ni Maine, hindi raw niya inaasahan na aabot sa ganito ang malilikom na donasyon.

Nagpasalamat si Maine sa lahat ng tumulong at nagkaloob ng donasyon; at pati na rin sa mga frontliner ng bansa.

“Nagpapasalamat po ako sa lahat ng health care workers at sa iba pa pong frontliners na talaga naman pong nagsasakripisyo at nagbibigay-serbisyo sa ating bansa at sa mga Pilipino pong nangangailangan sa panahon ng krisis ngayon,” sabi ni Maine.

Kasalukuyang mayroong 1,546 cases ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) at 78 na ang namamatay sa bansa.--Ma. Angelica Garcia/FRJ, GMA News