Maraming Pinoy ngayon ang problemado sa kanilang buhok dahil hindi sila makapagpagupit bunga ng umiiral na enhanced community quarantine. Kaya ang isang celebrity hairstylist, nagbigay ng tip sa do-it-yourself na paggupit habang nasa bahay.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing hindi naging problema sa ilang Kapuso stars ang hindi pagpunta sa barbero ngayong may ECQ sa tulong ng kanilang mga mahal sa buhay.

Si Dingdong Dantes, naging hairstylist for the day ang misis niyang si Marian Rivera. Si Iya Villania naman ang naging tagagupit ng buhok ni Drew Arellano.

Umalalay din si Solenn Heussaff sa pagtabas ng buhok ng mister niyang si Nico Bolzico. Si Prima Donnas' star Althea Ablan, ang kapatid naman niyang lalaki ang ginupitan.

Ayon sa celebrity hairstylist na si Nelson Cruz, madali lang ang do-it-yourself na paggupit sa buhok.

Para sa mga lalaki, kailangan lamang ng clipper pero dapat gumamit ng razor guard para hindi maging masyadong manipis ang pag-trim.

Kung wala namang razor guard, gumamit ng gunting at gawing guard ang suklay. Gamiting guide ang kilay para gupitin ang sobrang buhok.

Gumamit ng razor para sa bangs.

Para sa mga babae naman, ilagay ang lahat ng buhok sa likod at huwag itong hahawakan para lumabas ang natural na bagsak ng buhok, at saka gupitin base sa haba na gusto.

Para naman sa harapang buhok, kumuha ng ilang buhok na nasa gilid at gamitin ang tainga bilang guide, saka i-twist ang ilang buhok at gupitin.

Pero ayon kay Cruz, kailangan pa ring ipaayos sa mga hairstylist at barbero ang mga instant remedy pagkatapos ng enhanced community quarantine.

Nagpayo rin ang expert hairstylist na gamitin ang panahong ito para ipahinga ang mga buhok at anit sa mga kemikal.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News