Emosyonal na nagbalik-tanaw si Lovely Abella sa pinagsamahan nila ni Benj Manalo bago nauwi sa kasalan ang kanilang relasyon.

"Lahat ay naging emotional sa araw ng aming kasal, di maganda pareho ang direksiyon ng buhay namin ni Benj, di namin alam kung paano ba magiging maganda o maging maayos ang lahat, hanggang sa nagkakilala kami," paglalahad ni Lovely sa kaniyang Instagram.

Naging mabuting magkaibigan sina Lovely at Benj at natuto nilang suportahan ang mga pangarap ng isa't isa.

"[P]areho naming pinagusapan kung ano ang gusto naming marating, di man madali lahat pero kung kinakapitan ninyo ang isa't isa nagiging matagumpay," saad ng "Bubble Gang" comedienne.

 

 

Gayunman, dumaan pa rin ang mga pagsubok sa kanilang relasyon, kung saan natuto silang magpakatatag.

"Di naging madali sa amin lahat ng bagay, di umaayon sa amin ang panahon, pero pag pinagdadasal ninyong dalawa di man umayon, naaayos naman at nagiging masaya.. at yun ang importante ang Masaya kayong dalawa sa kung ano man ang kapalarang binubuo ninyo.." saad ni Lovely.

Kaya nang ikasal na, hindi makapaniwala si Lovely na posible ang umiyak dahil sa sobrang galak.

"Kaya pala talagang umiyak ng masaya akala ko dati nagagawa lang yun sa harapan ng camera pero iba to galing sa puso ang sarap sa pakiramdam.."

Ikinasal sina Lovely at Benj nitong weekend.

Nito ring Enero, muling nag-propose si Benj kay Lovely, at sa anak niyang si Crisha Kaye para pormal na maging tatay nito.--FRJ, GMA News