Mga kasuotan may naging parte na ng buhay ang ibinahagi ng mga guest at hosts ng programang "Mars Pa More." Ang "Bubble Gang" babe na si Faye Lorenza, ipinakita ang dress na regalo sa kaniya ng kaniyang lola bago ito pumanaw.
Kuwento ni Faye sa mga host ng show na sina Iya Villania at Camille Prats, at kapwa guest na si Princess Punzalan, hindi siya nabibilhan noon ng dress dahil siya ang bread winner sa pamilya.
"Siguro nakaipon siya [lola] binilhan niya 'ko ng dress," pagbahagi niya.
Pero bukod sa regalo ito ng kaniyang lola, may parte din ng kaniyang pagpasok sa showbiz ang naturang kasuotan.
"Tapos ito yung pinasuot niya sa akin nung mag-a-audition ako sa GMA Artist," sabi pa ni Faye.
Si Camille, napabilib sa kuwento sa likod ng naturang dress ni Faye na maituturing "lucky dress" na ng aktres.
"Kaya sobrang kineep [keep] ko talaga 'tong dress na 'to," ani Faye. "Kaya nga po hindi ko talaga siya ile-let go,"
Samantala, ibinahagi naman ni Camille ang kuwento sa likod ng dilaw na swimsuit na kapag suot niya ay napakaganda niya. Panoorin sa video kung bakit. --FRJ, GMA News
