Sa "Tunay Na Buhay," binalikan nina Mariz Umali at Raffy Tima kung paano nagsimula ang kanilang love story, at kung paano naging daan ang host na si Pia Arcangel para magkatuluyan sila.

Inilahad ni Pia na isa siya sa mga nagsabi kay Raffy na ligawan si Mariz.

"Napansin ko si Raffy tingin nang tingin sa'yo (Mariz) habang sumasayaw ka. Iba 'yung tingin ni Raffy sa'yo kaya ako napatingin kay Raffy na, 'Bakit ganoon ang tingin mo kay Mariz, hindi naman ganoon ang tingin mo kay Rhea (Santos)?'" sabi ni Pia.

"Ang concern ko kasi noon, siyempre baka maapektuhan 'yung friendship namin, so pinangunahan ko na siya na sana hindi makasira 'yung pagkakaibigan. Kahit na i-reject mo ako, handa naman ako siyempre," sabi ni Raffy kay Mariz.

"Natawa ako nu'ng nagsabi siya," ayon naman kay Mariz.

"Na-realize ko in hindsight na may nafi-feel ka na rin na 'pag magkasama kami, parang lagi akong tumatawa, parang ang saya lang lagi, parang ang gaan ng usapan. Tapos parang, sabi ko, 'May possibility kaya?,'" patuloy niya.

Enero 1, 2012 nang mag-propose na si Raffy kay Mariz matapos ang anim na buwang ligawan at dalawang taon ng kanilang relationship.

Nag-propose si Raffy kay Mariz sa pamamagitan ng isang mini-scene sa Kapuso epic fantaserye na Amaya kasama si Marian Rivera.

Ikinasal sina Mariz at Raffy noong Disyembre 8, 2012 sa Santuario de San Jose. --FRJ, GMA News