Naging guest ng "The Boobay and Tekla Show" sa mismong studio sa unang pagkakataon ang bagong Kapuso na si Bea Alonzo.

Sa segment na "May pa-Presscon," game na sinagot ni Bea ang mga tanong patungkol sa kanila ng nobyong si Dominic Roque.

Kuwento ni Bea, matagal na silang magkaibigan ni Dominic, at hindi naging pilit ang pagkahulog ng loob nila sa isa't isa.

Paliwanag niya, nang maging single siya, nagkaroon siya ng mas maraming oras na kasama ang mga kaibigan at doon na lang biglang umusbong ang relasyon nila na higit pa sa pagiging magkaibigan.

"Hindi siya pinilit, parang na-develop naturally," saad ni Bea. "Parang may moment na, 'Uy! cute siya."

Sa pamamasyal nila sa America, nagkaroon pa raw sila ng pagkakataon na makilala lalo ang isa't isa tulad nang kanilang road trip mula Los Angeles hanggang San Francisco, na isa sa mga memorable moment para sa kaniya.

Ayon kay Bea, mahiyain si Dominic pero ipinapakita naman ng binata ang pagiging mapagmahan sa pamamagitan ng tinatawag na love language tulad ng pag-aalaga sa kaniya.

"Naniniwala ba kayo sa action speaks louder than words, ganun siya," paliwanag ni Bea.

Si Bea naman, aminado naman na clingy  at demonstrative sa pag-ibig.

"Saka words of affirmation. Mahilig akong mag- I love you. Expressive," patuloy niya.

Ayon pa kay Bea, naging maingat siya sa pagsagot niya kay Dominic dahil sa naging karanasan niya sa mga nagdaang pag-ibig.

Bagaman nasa "getting-to-know stage" pa lang ang relasyon nila, inilarawan ni aktres na husband-material para sa kaniya si Dominic.

“Siyempre naman, at this point in my life, hindi ako papasok sa isang relasyon na hindi naman seryoso, di ba? Pagkatapos ng lahat.  Seryoso naman talaga. Oo, husband-material,"  pahayag niya.

Sinabi rin ni Bea na dapat maging mapagmatyag sa isang relasyon at huwag maging bulag sa pag-ibig.

"Huwag i-disregard yung red flags. Kapag may nakita kang mali, ibig sabihin, may mali. Kapag may nararamdaman kang discomfort, ibig sabihin, may kailangan i-address, parang ganun. "So, never disregard red flags," payo niya.

"Sinasabi nila, love is blind. Oo, love is blind pero mas masarap magmahal kapag bukas ang puso at yung mata mo sa mga nangyayari," patuloy niya.

Panoorin ang buong panayam kay Bea at ikinuwento niya ang funny side ni Dominic.--FRJ, GMA News