Inihayag ni Carla Abellana na ipagpapatuloy pa rin niya ang kaniyang pagiging isang animal rights advocate kung hindi man siya natuloy noon sa showbiz.

"It's not naman, hindi lang siya for the sake of having an advocacy. Hindi lang dahil as celebrities we have social media presence, but it's really what I'm passionate about," sabi ni Carla sa Kapuso Showbiz News.

"I grew up talaga being an animal lover. Nadala ko lang 'yun and nagkataon lang, bonus na lang siya actually that in the time of social media, may ganitong platform, like Instagram, YouTube, Facebook para we get to use our voices," dagdag pa ni Carla.

Ayon kay Carla, hindi pinipilit ang pagkakaroon ng isang adbokasiya. Sa halip dapat ay passion ito ng isang tao.

"Nakapanghihinayang kasi, sobrang sayang din na hindi natin magamit 'yung voices natin, the opportunity to be heard even in other countries," sabi ni Carla.

Kaya naman pipiliin pa rin niyang maging isang animal rights advocate kahit hindi siya nag-artista.

"Kahit hindi ako celebrity itutuloy ko pa rin naman 'yun, it's one way to feel fulfilled na rin as a celebrity," anang Kapuso actress.

Matatandaang tinulungan ni Carla ang ilang kabayo na naapektuhan nang sumabog ang Bulkang Taal nitong 2020.

Nanawagan din si Carla ng tulong para sa ginawa nilang Christmas stray feeding noong nakaraang taon. --FRJ, GMA News