Sinagot ni Carmina Villaroel ang tanong kung papasa si Kyline Alcantara bilang nobya ng anak niyang si Mavy Legaspi.

"Oo!" sagot ni Carmina sa Mars Pa More.

"Kaya ang bilis kong sumagot ng 'oo,' kasi alam kong... I am super sure," dagdag ni Carmina.

Ayon kay Carmina, kumportable siya kay Kyline dahil matagal na nitong naging kabarkada si Mavy.

"Super friends, barkada talaga sila. Bago pa lang sila naging magka-love team, magbarkada na sila. So very comfortable sila sa isa't isa, ganu'n din naman ako kasi hindi lang naman si Mavy 'yung kaibigan niya, also si Cassy din," sabi ni Carmina.

Ikinuwento nina Kyline at Mavy noon na naging close sila sa isa't isa dahil kay Cassy.

"Well, it's because of Cassandra. Si Cassy talaga 'yung una kong naging close and then of course eventually si Mavy. Lagi kaming lumalabas, well, that was pre-pandemic," pagbabahagi ni Kyline sa "Hangout."

"Lagi kaming lumalabas kapag after rehearsals, after work, and kahit wala naman sa work," dagdag pa ni Kyline.

Matatandaang inihayag ni Mavy na si Kyline ang kaniyang "mystery girl" nang ibahagi niya ang isang eksena sa bagong music video ni Darren Espanto kung saan makikitang nakangiti si Kyline.

Magtatambal sina Mavy at Kyline para sa teleserye na "I Left My Heart in Sorsogon."—LDF, GMA News