Sa special episode kamakailan ng "Bawal Judgmental" ng "Eat Bulaga," ibinahagi ni Allan K sa kauna-unahang pagkakataon na nagkaroon siya ng nobya na ang pangalan ay "Emma."

Sa naturang segment, pinahuluan sa contestant kung sino sa mga dabarkads ang nagkaroon ng nobya na ang pangalan ay "Emma."

Kuwento ni Allan, singer siya noon ng isang banda sa Bacolod at hindi pa lantad ang pagiging bading niya.

Ipinakita pa sa segment ang lumang larawan ni Allan na may bigote.

"Siyempre kapag singer ka maraming nagkaka-crush sa'yo," ayon sa singer-comedian.

Ginawa umano niyang nobya si Emma para maitago ang tunay niyang pagkatao. Hanggang sa magkalayo na sila at nawalan ng komunikasyon.

Pero makalipas ang maraming taon, sinabi ni Allan na may isang psychic ang nagsabi sa kaniya na nakikita nito na mayroon siyang anak.

Ayon kay Allan, kung totoo na nagkaroon siya ng anak kay Emma na taga-Cebu, pananagutan niya ito at kikilalanin basta mapapatunayan na siya ang ama.

Sinabi rin ni Allan, gusto niya talagang magkaroon ng anak. Pumasok nga raw sa isipan niya noon ang umampon.

"What if kung totoo na may anak ako, 'di ba?," sabi ng komedyante. "Siyempre dugo ko 'yan."

Hiniling ni Allan kay Emma na mag-usap sila kung nagkaroon nga sila ng anak at isailalim nila sa DNA test.

Kung totoo na nagkaroon sila ng anak, posibleng 30-anyos na raw ang kaniyang anak.--FRJ, GMA News