Para kay Arra San Agustin, mahirap humanap ng totoong kaibigan sa showbiz. Pero nakahanap siya ng kapatid sa katauhan ni Shaira Diaz, na kapuwa niya leading lady sa action-adventure series na "Lolong."

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing lumalim ang pagkakaibigan nina Arra at Shaira off-cam kasabay ng umiinit na kuwento ng serye.

"Hindi ko po in-expect na magiging sobrang lalim ng samahan namin. Nag-gain ako ng kapatid. Ang hirap din humanap sa showbiz ng kaibigan na totoo," sabi ni Arra tungkol kay Shaira, na gumaganap sa role ni Elsie, na special friend ni Lolong, na ginagampanan ni Ruru Madrid.

Dapat daw na abangan ang pagpasok ng karakter ni Arra na si Bella sa serye, na isang misteryosang millenial vlogger, at makakaagaw ng pansin ni Lolong.

Samantala, itinuturing naman ni Shaira na milestone sa kaniyang showbiz career ang pagganap niya bilang si Elsie.

"Maganda 'yung show eh, and isang factor din kung bakit gusto kong makatrabaho si Ruru rin. Ito rin 'yung first show ko na leading lady ako," sabi ni Shaira.

Ipinakilala na si Elsie sa kuwento bilang kababatang kapatid ni Lolong, na magpapatibok ng puso ng binata.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News