Nagbabalik ang K-pop sensation na BTS para sa isang concert sa Busan sa Oktubre, sa gitna ng pag-bid ng South Korea na maging host country ng 2030 World Expo.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, sinabing ito ang pinirmahang memorandum of understanding ng South Korean entertainment company na HYBE at Busan, kung saan napili ang BTS para maging ambassador ng nasabing event.

Magkakaroon din ang BTS ng appointment ceremony ngayong Hulyo.

Bukod sa South Korea, nagbi-bid din ang mga bansang Italy at Saudi Arabia para sa expo.

Iaanunsyo sa Nobyembre 2023 ang mananalong host country.

Matatandaang nagpahinga na muna bilang grupo ang BTS, at magkakaniya-kaniya muna sa kanilang career ang mga miyembro nito. —Jamil Santos/VBL, GMA News