Inihayag ni Pauleen Luna na isa sa kaniyang mga hiling sa buhay ay humaba pa ang buhay ng kaniyang mister na si Vic Sotto, 68-anyos, para matagal pa siyang makapiling ng anak nilang si Tali, 4-taong-gulang.

"I've always prayed na Vic would be given so much more years with us," paglalahad ni Pauleen sa "Surprise Guest with Pia Arcangel."

"Like sabi ko, 'Hanggang 150 Lord.' You know why? Kasi I see how much Tali loves him. Actually, I see how Tali needs him," dagdag pa ng TV host-actress.

Ayon kay Pauleen, tunay na iba ang bonding at koneksiyon ng mag-amang sina Vic at Tali.

Dahil dito, inihayag ni Pauleen ang kaniyang takot sa posibilidad na maikling panahon lamang makakapiling ni Tali ang kaniyang ama.

"Siguro nga dito pumapasok 'yung age gap, na sana closer para hanggang talagang 50, 60 si Tali. Pero siyempre, hindi naman natin hawak ang mga bagay na 'yan. Only the Lord can dictate those things," sabi ni Pauleen.

"I just hope that he (Vic) will be given a lot of years together so that Tali will be able to feel naman na she grew up na buo 'yung pamilya," anang Dabarkads.

"Siguro 'yun na rin ang fear at the same time. 'Yun ang hope at 'yung fear."

Sa nasabing episode, sinabi ni Pauleen na hindi problema sa kanila ni Vic ang kanilang age gap. --FRJ, GMA News