Kung isa siyang fairy godmother, sinabi ni Glaiza de Castro na nobyo ang gusto niyang ibigay sa kaniyang "Encantadia" co-star na si Sanya Lopez.

"Bukod sa magpadala ng roses, kung sino 'yung magpapadala ng roses, ayan ang iga-grant ko kay Sanya," sabi ni Glaiza kay Sanya sa isang kanilang kuwentuhan sa Tiktok.

"Alam mo 'yun? May tao na talagang magmamalasakit sa kaniya, may tao talaga na mamahalin siya kung sino siya, hindi dahil siya si Sanya Lopez, kundi dahil siya si Shai," dagdag ni Glaiza.

Shaira Lenn Osuna Roberto ang pangalan ni Sanya sa totoong buhay.

"Mamahalin din ang pamilya niya, magmamalasakit sa kaniya, magte-text sa kaniya, 'Babe matagal ka pa diyan? Sunduin na kita!'"

Dati nang inihayag ni Sanya na isa siyang "no boyfriend since birth" o NBSB.

"Lagi kong pinagpe-pray na 'Lord kung sino man 'yung ibibigay mo sa akin, sana siya na. Sana hindi 'yung tipong kailangan ko pang masaktan," sabi ni Sanya.

"Tsaka sana hindi lang 'yung pang-girlfriend lang ang tingin niya. Gusto ko kasi, 'pag kasi may nanliligaw sa akin, tinitingnan ko siya hindi pang-boyfriend lang eh. Like, 'Puwede kaya siya in the future? Baka rin siya na,'" dagdag ni Sanya tungkol sa lalaking gusto niyang makarelasyon. --FRJ,. GMANews