Emosyonal si Bella Poarch sa kaniyang pagiging proud na irepresenta ang mga Pilipino, at inihayag na gusto niyang makabalik sa Pilipinas.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing ikinatuwa ni Bella na kabilang siya sa mga naglalagay sa mga Pilipino sa world map.
"Growing up, there wasn't much representation for us. But I'm happy now that we get to do that and show the world we Filipinos are here," sabi ni Bella.
Puro o 100% Pinoy si Bella na ipinanganak sa Pangasinan, at lumaki sa isang bukid. Edad 14 nang mag-migrate siya sa Amerika.
Para mahanap ang sarili, pumasok si Bella sa military.
"When I was 17 I decided to join the Navy because I wanted to just be independent on my own. And I was so surprised in like, how many Filipinos were in the military? Like what?"
Inilahad din ni Bella na dumanas siya sa isang abusive childhood, na nasasalamin sa kaniyang mga awitin.
Hinahanap-hanap na rin ni Bella ang mga pagkaing Pinoy at ang mga mahal sa buhay sa Pilipinas.
"I just want to say na mahal na mahal ko talaga ang Pilipinas. And for me to represent the Philippines is crazy because I'm..." emosyonal na sinabi ng Tiktok star.
"Talaga, gusto ko na talagang umuwi since last year. Alam ko 'yung pandemic talaga it has been very hard for us but soon talaga uuwi talaga ako," saad pa ni Bella.
Hawak ni Bella ang ilan sa mga titulo na 91 million Tiktok subscribers, 3rd Most Followed Individual on Tiktok, at Most Liked Video sa platform. – Jamil Santos/RC, GMA News
