Itinuturing na isang "hugot" song para sa mga umiibig ang awiting "Hiling." Pero ayon sa kumanta at sumulat nito na si Mark Carpio, isa itong "prayer."

"It's actually a prayer. Kung papakinggan mo siya akala mo it a song about someone. Pero the first line goes something like: 'Ito'y isang dalangin.' So prayer talaga siya," paliwanag ni Mark sa mga dabarkads ng "Eat Bulaga."

Kabilang si Mark sa maging guest choices sa segment na "Bawal Judgmental" ng "Eat Bulaga" kamakailan. (BASAHIN: Awiting 'Buko (Buhay Ko)' ni Jireh Lim, true love story ng school principal at janitor na lolo't lola niya)

Mga singer na may hugot songs na umabot sa 70 milyong listener sa Spotify ang pinagpilian.

Napag-alaman na umabot na sa 78 million downloads sa Spotify ang kantang "Hiling" ni Mark.

Ayon kay Mark, hugot song pa rin naman ang "Hiling."

"Pero its about falling in and out of love then you realized na what's missing is God's love. Then I became Christian after that," anang mang-aawit.

Namangha ang mga dabarkads nang malaman nila ang lalim ng kahulugan ng awitin kaya tinanong si Mark kung papaano niya isinusulat ang mga obra niya.

"Pagka sinusulat mo kasi yung song, kailangan malinaw kaagad yung point mo," ani Mark.

Na sinundan ng tanong ng host na si Wally Bayola kung alam na ba kaagad ni Mark na may twist ang kaniyang isinusulat na awitin.

"Oo pero nung sinusulat ko siya [Hiling], nung una hindi ko rin alam na prayer kaagad. Basta gusto ko lang mag-express ng emotions.  Then I realized na, 'Oo nga noh para akong sumusulat ng prayer,'" paliwanag niya.

"Kaya late ko na lang binago yung first line," dagdag pa ni Mark, na nagsabing edad 12 pa lang ay sumusulat na siya ng mga awitin.--FRJ, GMA Integrated News