Inilabas ni Maris Racal ang kaniyang bagong single na “Perpektong Tao,” na kaniyang unang proyekto matapos ang kontrobersiya nila ni Anthony Jennings noong Disyembre.
Sa panimulang lyrics ng kanta, binanggit ni Maris kung paanong nabunyag ang kaniyang mga sikreto at hindi niya na ito napigilan.
Hanggang sa magbago na ang pananaw ng publiko tungkol sa kaniya at nagtanong kung mapapatawad pa ba siya. Kasama rin sa kanta ang kaniyang pagharap sa dilim na hindi niya matakasan.
“Ang hirap maging perpektong tao,” pag-awit ni Maris sa chorus.
Sa bridge naman, nakasaad sa lyrics, “Kung puwede sanang ibalik, 'di nagpalason sa ‘yong halik. ‘To na ang buhay na kay pait. Mapapatawad pa ba? May pag-asa pa ba? Hindi na matakasan kapag oras mo na.”
Inanunsyo ni Maris nitong Huwebes ng gabi ang release ng kaniyang kanta, kasabay ng pagsasabing — "[I]'m back."
“Writing this song healed me in ways I never thought possible,” anang aktres.
“It was born from a journey through pain, regret, and the courage to seek forgiveness, a reminder that even in our darkest moments, we can find light,” dagdag pa niya.
Sinabi pa ni Maris na inilabas niya ang kanta na umaasang makare-relate ang mga may kailangan nito.
Naging laman ng kontrobersiya si Maris at ang kaniyang ka-loveteam na si Anthony noong Disyembre, nang isiwalat ni Jamela Villanueva, dating kasintahan ni Anthony, sa pamamagitan ng mga screenshot ang umano'y ginagawang pagtataksil o cheating nina Anthony at Maris.
Sa isang pahayag sa isang video, humingi ng paumanhin si Maris at inako ang kaniyang pagkakamali.
"Nagkamali ako and I wanna say sorry for everything that I have done," sabi niya.
Inamin niyang nagkamabutihan sila ni Anthony, na humantong sa break up nila ng matagal na niyang nobyong si Rico Blanco.
Gayunman, iginiit din ni Maris sa kaniyang mga pahayag na sinabi sa kaniya ni Anthony na single ito, kaya sila nagkaroon ng relasyon.
Gumawa ng ingay sina Maris at Anthony sa kanilang tandem bilang sina Irene at Snoop sa series na “Can’t Buy Me Love.”
Bahagi rin ang dalawa sa Metro Manila Film Festival entry na "And the Breadwinner Is..." na pinagbibidahan ni Vice Ganda. — BAP, GMA Integrated News