Inihayag ni Yayo Aguila sa cooking talk show na "Lutong Bahay" na napatawad na niya si Baron Geisler.
Sa Kitchen-terrogate segment ng programa, ang co-host na si Chef Hazel ang nagtanong kay Yayo ng tungkol kay Baron.
"Oo naman [napatawad na]. Nagkita na kami, years ago sa isang event ng showbiz, wala akong choice, nagkasalubong kami. Tapos binati niya ako, nag-sorry naman siya, nag-sorry siya so sa 'kin," ayon kay Yayo.
"Malaking bagay 'yung it takes guts para makapag-sorry ka. Feeling ko naman sincere siya," dagdag ng aktres.
Taong 2013, nang hatulang guilty ng Makati Municipal Trial Court Branch 61 si Baron sa kasong acts of lasciviousness laban kay Patrizha Martinez, na anak nina Yayo at aktor na si William Martinez.
Pinatawan ni Judge Aleli Briones ng parusang pagkakakulong ng minimum of six months at maximum of two years si Baron, at pinagbayad ng moral damages kay Patrizha ng P30,000.
Isinampa ang naturang kaso laban kay Baron noong 2008, dahil umano'y paghipo ng aktor kay Patrizha habang nasa isang bar sa Makati.
Ayon kay Yayo, sinabi rin niya sa kaniyang anak ang paghingi ng apology ni Baron.
"Ayoko siyang i-judge pero 'yung nag-sorry siya sa 'kin, sinabi ko 'yun sa daughter ko. Actually, 'yung anak ko, sabi niya, 'Ma, napatawad ko naman siya eh, pero hindi ko makakalimutan 'yung ginawa niya.' Ganun din 'yung stand ko. Napatawad naman na namin siya pero ayoko siya makatrabaho, 'yung ganun," paglalahad niya.
Bukas naman daw si Yayo na makatrabaho si Baron sa isang magandang proyekto pero hindi niya ito kakausapin sa set.
"Pero if given the chance kunyari may magandang project, kasama ko siya, puwede ko naman siyang hindi kausapin sa set. Work is work. So, you don't have to be friends with him kasi sa work di naman kailangan lahat friends mo. Kung work, work lang," ayon sa aktres.
"Kung si Lord nga nagpapatawad, tayo pa kayang tao? Basta at least kami nabawasan naman kami ng bigat sa dibdib," dagdag niya.
Samantala, kung inamin ng aktor na si Royce Cabrera na nagkaroon siya ng "feelings" sa intimate scenes nila ni Yayo, ano naman kaya ang naramdaman ng aktres? Alamin ang sagot niya sa video ng "Lutong Bahay." Panoorin. — FRJ, GMA Integrated News