Ikinuwento nina Mikoy Morales at fiancé niyang si Isa Garcia na magkakilala na sila mula pa noong kanilang kabataan. Kuwento ng dalaga, crush na niya ang aktor noon dahil sa pagiging chinito nito at bigay na bigay kapag kumakanta.

Sa cooking talk show na “Lutong Bahay,” inilahad ni Mikoy na nagkakilala sila ni Isa dahil sa sinalihang glee club noong high school.

Nagkataong isa sa mga founder ng glee club ang kapatid ng lola ni Isa.

“Merong performance ‘yung batch every year, kung sino man ang batch ng time na ‘yun kailangan nilang mag-perform sa Bataan, kung saan ‘yung hometown nila na nandoon si Mommy Rose (kaanak ni Isa),” kuwento ni Mikoy.

Dito unang beses nakita ni Mikoy si Isa.

“Doon ko siya unang naging crush,” pag-amin ni Isa, na edad 15 o 16 nang unang makita si Mikoy, na mga edad 17 naman noon.

“Province namin ang Bataan. Si Mommy Rose in-invite kaming manood ng show. Tapos nasa plaza kami, tapos nasa front seat, tapos may chinito na bigay na bigay (sa pagkanta). Ang sabi ko, ‘Ang guwapo no’n oh, ang cute,’” kuwento ni Isa.

Tinanong ng host na si Mikee Quintos si Isa kung bakit sa lahat ng lalaki, si Mikoy ang kaniyang napansin.

“Siya lang ‘yung chinito. Gusto ko chinito,” sabi niya.

Naging engaged na sina Mikoy at Isa nito lang Pebrero.

Napanonood si Mikoy sa Kapuso primetime series na "Lolong: Bayani ng Mga Bayan" sa GMA Prime tuwing 8 p.m., pagkatapos ng GMA News 24 Oras. --FRJ, GMA Integrated News