Mas maraming bituin ng mga celebrity ang hindi masyadong nagningning sa katatapos na Eleksyon 2025 kumpara sa halalan noong 2022.

Batay sa nakalap na datos ng GMA Integrated News Research, nasa 130 ang kumandidato na may kaugnayan sa showbiz, media, sports, o social media.

Base sa partial and unofficial results hanggang 6 p.m. ng May 13, may 56 kandidatong celebrity ang nanalo o nanalo, habang ang 60 sa kanila ang natalo o natatalo sa bilangan.

Samantala, mayroong namang 14 celebrities na nominees sa party-lists ang naghihintay pa ng resulta kung makapapasok din sila sa winning number para magkaroon ng upuan sa Kamara de Representantes.

BASAHIN: Angelu de Leon, Marjorie Barretto, at ilan pang celebs, kumusta ang naging laban sa Eleksyon 2025?

Hindi kasama ang party-list nominees, ang porsiyento ng mga winning candidates at mas mababa umano kumpara sa 2022 elections.

Sa naturang halalan noong 2022, mayroong 57 celebrity candidates ang nanalo at 46 ang nabigo. Katumbas iyan ng 55.34% na pagkapanalo, kumpara sa 48.28% ngayong eleksyon 2025.

Sa mga senatorial candidate, 15 ang may kaugnayan o dating naging bahagi ng entertainment, media, sports, o content creation industries. Anim sa kanila ang nasa magic 12, kabilang sina Erwin Tulfo na isang broadcaster, Tito Sotto na television host, at Lito Lapid na action star.

Si Bam Aquino ay dating naging TV host, ganoon din si Kiko Pangilinan, na asawa ni Sharon Cuneta, na dating mayroong television at radio show. Minsan din naging TV show host si Camille Villar.

BASAHIN: Ilang celebs na wagi at 'di pinalad sa Eleksyon 2025, alamin

Ang siyam pang mga senatorial candidates na bigong makapasok sa magic 12 ay sina Jimmy Bondoc na singer/musician; Bong Revilla na aktor; Marc Gamboa na content creator; Doc Marites Mata na content creator; Manny Pacquiao na boxer;  Apollo Quiboloy na televangelist; Willie Revillame na television host; Philip Salvador na action star; at Ben Tulfo na public service broadcaster.

Sa lokal na mga posisyon, lumalabas na 10 ang nanalo o nananalo bilang district representatives, at walo ang natalo o natatalo sa bilangan.

Sa posisyon ng gobernador, may tatlong nanalo o nananalo, at isa ang natalo o natatalo.

Sa pagka-bise gobernador, dalawa ang nanalo o nananalo, at tatlo ang natalo o natatalo.

Sa Board Member, dalawa ang nanalo o nananalo, at dalawa rin ang natalo o natatalo.

Sa pagka-alkalde naman, pito ang nanalo o nananalo, at siyam ang natalo o natatalo.

Sa posisyon ng vice mayor, apat ang nanalo o nananalo, at anim ang natalo o natatalo.

Sa pagiging konsehal, 22 ang nanalo o nananalo at 22 ang natalo o natatalo.

Ilan sa mga kandidato ang naiproklama na, habang ang iba naman ay naghihintay ng opisyal na resulta ng bilangan. -- mula sa ulat ni Marisse Panaligan/FRJ, GMA Integrated News

For more Eleksyon 2025 related content and updates, visit GMA News Online's Eleksyon 2025 microsite.