“I am ready to share my life with someone.” Iyan ang naging pahayag ni KC Concepcion nang tanungin siya sa Fast Talk with Boy Abunda kung handa na ba siyang magpakasal.

Sa October 29 episode ng naturang GMA Afternoon Prime talk show, sinabi ni KC na na-enjoy na niya ang kaniyang buhay at ito na ang tamang panahon para ibahagi ito sa isang tao na “deserving dahil alam niya kung paano ako mahalin.”

Dagdag pa niya, "I think, natuto rin akong magmahal through the years with every relationship na dumating sa buhay ko. Natuto talaga akong mag-trust at magmahal, natuto ako kung ano 'yung weaknesses ko--kung saan ako nagkukulang, kung saan ako pwedeng mag-improve, kung ano 'yung mga takot ko dati."

Nahirapan naman si KC sagutin kung sino sa amang niyang Gabby Concepcion o inang si Sharon Cuneta ang kapareho niya magmahal.

Pag-amin ng singer-actress, magkaibang-magkaiba ang paraan nila ng pagmamahal, ngunit maaaring kombinasyon siya ng dalawa.

“May times na gusto ko po 'yung happy lang, chill lang. Kapag medyo drama po, ninenerbyos ako, sensitive din po kasi ako. Kapag po 'yung nasaktan po ako, may time din po siguro na kaya ko din lumaban, na kahit ayoko. Pero pag nagmahal po, todo-todo. Pareho silang dalawa du'n,” sabi ni KC.

Samantala, ibinahagi rin ni KC ang mga payo na natanggap niya mula sa mga magulang pagdating sa pag-ibig. Isa sa mga payo ni Sharon ay huwag niya umanong isipin ang sasabihin ng ibang tao.

Dagdag pa ni KC, “May mga dumadating sa buhay ko, Tito, na talagang sabi niya sa akin, 'When in doubt, don't.' So sabi ko, 'Bakit, may nafi-feel ka ba?' 'Basta anak, kung meron kang doubt, kung nagdadalawang isip ka, 'wag na.'”

Tungkol naman sa pagpapakasal ang payo sa kaniya ni Gabby na nagsabing huwag tularan ang kasal nila noon ni Sharon na sobrang laki.

“Ang payo po sa akin ni papa, 'pag magpapakasal na po, maliit lang daw, intimate lang. 'Wag daw 'yung ginagawa nila na sobrang laki,” pagbabahagi ni KC.-- Kristian Eric Javier GMANetwork.com/FRJ GMA Integrated News