Inihayag ni Kyline Alcantara na hindi siya takot at hindi niya susukuan ang pag-ibig. Ang aktres, inilahad ang mga katangiang hanap niya sa susunod niyang magiging nobyo.

“Are you ready to fall in love again?” tanong ni Tito Boy kay Kyline sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes.

“Sabi ko nga po sa last interview natin, Tito Boy, I will never ever give up on love. Never,” tugon ni Kyline.

“At katulad nga po na sinabi ko kanina, hindi po ako takot na maramdaman ng bawat emosyon na ipaparamdam sa akin ng Panginoong Diyos dito sa buhay ko because it's gonna make me feel human,” dagdag niya.

Inilarawan niya ang mga hinahanap niya sa isang lalaki kung siya’y magkaka-lovelife muli.

“Sa ugali po talaga ako. Sana mas mature, mas stable mentally, mabait, will respect my family, will respect me, not just as a woman but as a person.”

Ayon pa sa aktres, hindi niya tinitingnan ang pisikal na kaanyuan ng isang lalaki.

“‘Dapat ganito, dapat ganito,’ Hindi po,” sabi niya.

Ngunit kung kailangang mayaman ang lalaki, biro ni Kyline, “Puwede ho. Puwede. Why not?”

“Pero siyempre, hindi naman po ‘yun ‘yung first thing para makipagrelasyon ako,” sabi niya.

Matatandaang nakarelasyon ni Kyline si Kobe Paras, ngunit naghiwalay sila nitong taon. Nakarelasyon din ng aktres ang kapwa Sparkle artist na si Mavy Legaspi. – FRJ GMA Integrated News