Labis na nag-alala si Allen Ansay para sa kaniyang pamilya na kabilang sa mga naapektuhan at kinailangang lumikas dahil sa hagupit ng super bagyong si Uwan sa Camarines Sur.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News “24 Oras" nitong Lunes, sinabi ni Allen na nag-evacuate ang kaniyang pamilya dahil makatira sila malapit sa dagat.

“Ang ginawa na nila mama nag-evacuate na sila. So lahat ng mga gamit namin inakyat na. Tapos, kumbaga mas inisip na nila [mag-evacuate] kesa sa mga gamit kasi mahirap na abutan ka ng dagat or abutan ka ng baha,” ayon sa Sparkle actor.

Sa ngayon, hindi pa makauwi sa Bicol si Allen dahil sa mga trabaho.

Linggo ng gabi nang mag-landfall si Uwan sa Dinalungan, Aurora, at nakatawid sa kalupaan ng Luzon nitong Lunes ng umaga.

Lima na ang iniulat na nasawi dahil kay Uwan. Tatlo sa mga ito ang nasa Nueva Vizcaya, kabilang ang kambal na natabunan ng lupa ang bahay.

Nasa 1.4 milyon katao o 426,000 pamilya ang kinailangang lumikas na mula sa Metro Manila, the Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Negros Island Region, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, at Eastern Visayas.— FRJ GMA Integrated News