Sa kagustuhan niyang magkaroon ng normal delivery, inihayag ni Dabarkads host Pauleen Luna na aasahan daw ang pagsilang ng kanilang baby ni Bossing Vic Sotto sa Nobyembre.
"Forty weeks is on December 10 pero since we're pushing for a normal delivery, we can start to expect mid-November," sabi ni Pauleen sa "Unang Balita" interview nitong Biyernes.
Malaki ang pasasalamat ni Pauleen dahil hindi raw siya nahirapan sa kanyang pagbubuntis, at hindi nakaranas ng morning sickness.
"I didn't have a hard time kasi I didn't experience any morning sickness, no cravings or whatsoever. So it's been very easy and light and happy."
Pabirong kwento naman ni Bossing Vic, balik-gym na uli siya bilang paghahanda sa panganganak ng kanyang asawa.
"Bumalik na ako sa gym ulit, nagwo-work out na ako ulit para malakas ang katawan ko pagka kinarga ko si Pauleen, este 'yung baby pala," sabi ni Bossing Vic.
"Madaling kausap ito eh. Eto bigyan mo lang ng ka-chika 'to... More chika, more fun," kwento niya tungkol kay Pauleen.
Isasabay na raw nina Pauleen at Bossing sa pagkasilang ng baby ang pag-anunsyo sa kanyang pangalan.
"We have a name na pero kasabay na lang ng delivery," sabi ni Pauleen.
Inanunsyo ni Bossing Vic nitong Mayo sa "Eat! Bulaga" na nagdadalang tao si Pauleen Luna.
Kinasal sina Vic at Pauleen noong ika-30 ng Enero, 2016. —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News
