Naipit ang isang bata sa escalator ng isang mall sa Marikina City na nakuhanan pa ng video, ayon sa ulat ng Unang Balita ng GMA News nitong Martes.
Makikita sa video na walang tigil sa pag-iyak ang bata na naipit ang daliri sa escalator.
Binabantayan at inaalalayan siya ng kanyang ina at isang security guard ng mall.
Habang umiiyak, makikita rin na pumapadyak-padyak na ang bata dahil sa sakit, habang nag-iisip naman ng paraan ang kanyang ina at security guard para makawala ang kanyang daliri mula sa pagkakaipit.
Ang iba pang detalye sa nangyaring insidente, mapapanood sa Alisto, Martes ng gabi. —Joviland Rita/KG, GMA News
