Nabawi na ng Kapuso actress na si Kris Bernal ang kanyang Instagram account matapos itong ma-hack. Ibinahagi rin ng aktres kung ano ang kaniyang ginawa kaya naagaw ng hacker ang kaniyang social media at email accounts.
Sa ulat ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing tinulungan si Kris ng social media team ng GMA Network upang mabawi ang kaniyang IG account.
Gayunman, hindi pa rin daw naibabalik ang kaniyang Twitter at e-mail.
"Nagwo-worry rin ako kasi baka mamaya may kontakin din silang nandun sa mga messages ko tapos kala nila ako so natatakot din ako para dun sa ibang tao, dun sa ibang followers ko or artista," ani Kris.
Naagaw ang mga naturang account ni Bernal nitong nakaraang Linggo ng hacker na pinaniniwalaang nasa Turkey. Sinasabing humihingi ito ng $750 para ibalik kay Kris ang kaniyang mga social media accounts at email.
Ayon kay Bernal, mayroon lamang siyang klinik [click] na link na inaakala niyang nanggaling sa team ng Instagram.
"May copyright infringement daw ako so parang I have to report to them, parang I have to click this link [...] [N]ung nakita ko from Instagram, akala ko legit so feel ko nung clinick ko yung link, tinype [type] ko yung ano ko email ko and password ko. Doon na nagsimula na may lumalaban na... dun sa password 'di ko na ma-log in," kuwento ng aktres na negosyante rin.
Aminado si Kris na hindi talaga siya mahusay pagdating sa teknolohiya o hindi siya "techie".
Kaya payo niya sa netizens, "Ingatan niyo yung mga account niyo, ingatan niyo yung passwords niyo. Kung ako sa inyo talaga gamitin niyo yung two factor na authentication ng mga accounts ninyo kasi dahil dun hindi na 'ko napasok at all ng hacker."
Samantala, nagpaalala naman ang National Bureau of Investigation (NBI) na sa tuwing mabibiktima ng hacker, mas magandang magreklamo o makipag-ugnayan sa mga awtoridad upang mapayuhan sa dapat nilang gawin.
Maaari umanong gamitin ng hacker ang identity na na-hack upang manloko pa ng ibang tao at baka ang na-hack na biktima ang mapagkamalang may kagagawan ng panloloko.
"When you file a complaint with us or coordinate with us, yun ang pinaka safeguard mo and you have that solid argument na hindi ikaw yung nagsa-scam sa ibang tao and you could easily prove that your identity was stolen," paliwanag ni NBI Cybercrime Division Chief na si Vic Lorenzo.
Ayon pa sa NBI, nararapat daw na mag-ingat sa pagpindot ng mga link sa e-mail at sa pagbibigay ng impormasyon sa internet, dahil ang nangyari kay Kris.
"Madami tayong nae-encounter na ganyan kahit sa social media accounts. Ang general term diyan is man in the middle or yun nga, cyber scam," saad ng opisyal.-- Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA News
