Sumiklab ang isang sunog matapos ang karambola an anim na sasakya sa Carmona, Cavite maaga nitong Sabado.
Sa ulat ng Balitanghali, sumiklab ang sunog nang nawalan umano ng preno ang isang dump truck na may kargang buhangin at araruhin nito ang limang iba pang sasakyan.
Ayon sa Carmona Police, nahagip ng dump truck pantungong Biñan, Laguna ang mga sasakyan at saka sumiklab ang sunog sa kalsada.
Sa paunang imbestigasyon, nangyari ang insidente sa Governor's Drive sa Barangay Mabuhay sa Carmona pasado alas-singko ng umaga.
Ayon sa mga taga-Bureau of Fire Protection, nagliyab ang mga gulong ng mga sasakyan matapos kumaskas sa kalsada at mga bakal.
Wala namang napaulat na namtay o malubhang nasugatan sa insidente. Nasugatan ang driver at pahenante ng dump truck at ngayon ay nagpapagaling na sa ospital.
Pero nagdulot ng mabigat na daloy ng trapiko ang insidente dahil kinailangan pa ng mga heavy equipment upang matanggal ang mga sasakyan at mga karga na bakal ng isang 18-wheeler truck na nadamay, at pati na rin ang mga buhangin na karga ng dump truck. —LBG, GMA News