Inilahad ni Yasmien Kurdi na hinahanda niya ang anak na si Ayesha sa kaniyang panandaliang pag-alis sa kanilang tahanan para sa lock-in taping ng kaniyang bagong Kapuso series.
"Matagal na kasi akong nagpapaalam talaga kay Ayesha tungkol sa lock-in taping ko, kasi nga niri-ready ko na rin siya, 'yung puso niya," kuwento ni Yasmien sa Kapuso Showbiz News.
Ayon kay Yasmien, madalas na naipagpapaliban ang schedule ng kanilang lock-in taping dahil na rin sa COVID-19 pandemic.
"Nari-ready na rin siya na 'Ah okay aalis na si mama next week.' Niri-ready ko rin siya para pagdating nu'ng date mismo ng pag-alis ko, alam niya kung kailan ako aalis. Tapos na-explain ko naman sa kaniya kung bakit namin kailangang gawin ito, dahil nga para safe lahat, dahil pandemic."
"Naiintindihan naman ng bata. In fairness naman 'yung mga bata ngayon aware talaga sila sa situation na nangyayari sa atin ngayon," sabi ni Yasmien.
Laking pasasalamat naman ng aktres na available na ang internet ngayon para maaari pa rin niyang makausap ang kaniyang anak kahit magkalayo sila ng lugar.
Binilinan din ni Yasmien ang asawang si Rey Soldevilla na bantayang maigi si Ayesha.
"Ang bilin ko kay Rey, siyempre alagaan niya si Ayesha, 'yung mga kailangan sa bahay sabihin niya sa akin agad para ma-online shopping ko. Tapos kailangan samahan niya lagi si Ayesha, laging kausapin... bigyan siya lagi ng activities," ani Yasmien.
Para libangin ang kaniyang anak, in-enroll ni Yasmien si Ayesha sa summer activities online tulad ng voice lessons, French class at online gymnastics.
"Actually itong pandemic na ito, challenge siya para sa mga magulang na tulad ko kasi parang nafi-feel ko kailangan kong i-fill in 'yung gaps na nami-miss niya sa buhay niya, lalo na sa anak ko," sabi ni Yasmien.
Kabilang si Yasmien sa cast ng bagong Kapuso series na "Las Hermanas," na magsisilbing Kapuso comeback show ni Albert Martinez. —LBG, GMA News
