Nasawi ang isang opisyal ng kumpanya matapos siyang pagbabarilin ng riding-in-tandem habang minamaneho ang kaniyang SUV sa San Jose del Monte, Bulacan.

Sa ulat ni Nico Waje sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, kinilala ang biktima na si Carmelo Camon, 57-anyos, na bise presidente ng isang kumpanya.

Makikita sa CCTV ng Barangay Sapang Palay Proper na binabagtas ng SUV ng biktima ang Santa Maria-San Jose Road bandang 4 p.m. nitong Biyernes.

Sinusundan na pala siya ng isang motorsiklong may dalawang sakay.

Pagdating nila sa intersection, dito na biglang pinagbabaril ng angkas ng motor ang biktima, bago mabilis na tumakas.

Parehong balot ng jacket at face masks ang mga suspek.

Dead on the spot ang biktima.

Ayon sa ulat, nanggaling pa si Camon sa pabrika ng kanilang kumpanya sa Santa Maria, Bulacan at pauwi na siya ng Novaliches.

Tumakas naman ang mga suspek sa gawi ng Norzagaray.

Tadtad ng tama ng bala ang sasakyan ni Camon, na nasa headquarters na ng San Jose del Monte Police.

"Ongoing pa ang imbestigasyon. Siyempre 'yung sa CCTV po natin, makatutulong po 'yan saka nagtatanong-tanong na kami," sabi ni Police Leiutenant Colonel Allan Palomo ng San Jose del Monte Police chief.

Patuloy din ang imbestigasyon ng pulisya sa pagkakakilanlan ng mga suspek at ang kanilang motibo sa pagpatay.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang pamilya ng biktima. — Jamil Santos/VBL, GMA News