Matapos ang gulo sa pageant na kaniyang sinalihan, binisita ni Herlene Budol ang puntod ng kaniyang yumaong Lola Bireng na kaniyang tanggulan, at ikinuwento ang lahat ng kaniyang pinagdaanan.

Sa kaniyang Instagram, ibinahagi ni Herlene ang kumportable niyang paghiga na tila magaan ang pakiramdam sa puntod ng kaniyang lola.

 

"Nasumbong ko nang lahat kay nanay" caption ng beauty queen at comedianne.

May kasama rin itong isang planet emoji, na tila nagpapahiwatig na pinatutungkulan ni Herlene ang inatrasan niyang Miss Planet International.

Magsisilbi rin sana itong unang international pageant ni Herlene na gaganapin sa Uganda. Ngunit umatras si Herlene dahil sa "uncertainties by the organizers."

Ayon sa kaniyang manager, hindi umano naging maganda ang pagtrato ng pageant sa mga kandidata, tulad na lamang ng pwersahang pag-rehearse sa ilalim ng araw at hindi rin inasikaso ang kanilang pagkain.

Nagkaroon din ng isyu sa hotel at pera, hanggang sa umatras na ang maraming kandidata dahil nauubusan na sila ng pera.

Sa kabila ng kontrobersiya, nai-reschedule ang Miss Planet International sa Enero 2023.

Pumanaw ang lola ni Herlene dahil sa kidney failure at aging. —LBG, GMA Intergrated News