Sinabi ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na sinampahan ng reklamong kidnapping ang mga Filipino diplomat sa Kuwait kaugnay sa kontrobersiyal na pagsagip sa ilang nagigipit na OFW sa nasabing bansa na nakunan ng video at naging viral sa internet.
Inihayag ito ni Cayetano nitong Miyerkules ng gabi matapos niyang salubungin sa Ninoy Aquino International Airport si Ambassador Renato Villa, na pinatalsik sa Kuwait dahil sa naturang kontrobersiya.
Hindi ikinatuwa ng Kuwait ang ginawang pagsagip ng mga tauhan ng embahada ng Pilipinas sa mga nagipit na OFW na "sinundo" sa mga bahay dahil wala umanong koordinasyon sa mga awtoridad ng Kuwait.
Bagaman humingi ng paumanhin si Cayetano sa Kuwait kaugnay ng insidente, pinatalsik pa rin nila si Villa, bagay na iprinotesta naman ng DFA.
Sinasabing tatlong Pinoy diplomats na nasa Philippine embassy ang mayroong kinakaharap na arrest warrants, at apat pang Pinoy ang nakadetine ngayon na kasamang tumulong sa ginawang pagsagip sa mga OFW.
“Kinasuhan nila ng kidnapping. Ang sinasabi nila, dahil nasa bahay 'yung isa, parang kinuha natin, kinidnap. Ine-explain natin that we don't respond unless, first, we coordinate with them,” paliwanag ni Cayetano.
“That's why [out of] 38 rescues, 35 were coordinated. 'Yung tatlo,naniniwala tayong kailangan aksyunan kaagad; we did it ourselves which is acceptable, and it is a duty under the international law but it was commotion to them,” dagdag niya.
Sinabi ni Cayetano na may "diplomatic immunity" o hindi maaaring arestuhin ang mga kawani ng embahada ng Pilipinas, kung hindi man, sinabi ng kalihim na wala namang nangyaring krimen.
“That's why I said, I apologized if our actions seemed to violate your sovereignty. But let me assure you, it's in the spirit of protecting our nationals,” ani Cayetano, sabay sabi na gumagawa ng hakbang ang pamahalaan ang ayusin ang gusot sa Kuwait na tinawag niyang “misunderstanding.”
“We're getting near to understanding each other,” saad ng kalihim.— FRJ, GMA News
