Nais ng ama ni Jeanelyn Villavende, ang OFW na pinatay umano ng kaniyang amo sa Kuwait noong Disyembre, na mabitay ang pumaslang sa kaniyang anak.

"Gusto ko talaga sir, ibitay talaga eh," sabi ni Abelardo Villavende nang makausap ng GMA News nitong Huwebes habang hinihintay ang pagdating ng mga labi ng anak sa airport.

Batay sa imbestigasyon, pinatay sa bugbog si Jeanelyn ng amo niyang babae.

Ilan buwan pa lang namamasukan bilang kasambahay si Jeanelyn sa Kuwait sa hangaring matulungan ang pamilya na makaahon sa kahirapan.

READ: Pinay DH na pinaslang ng amo sa Kuwait, balak na raw sanang umuwi ng bansa ngayong Enero

Ayon sa stepmother ni Jeanelyn, nakapagpadala pa ng pera sa kanila ang biktima ng tatlong beses.

Plano ng pamilya na iburol ng ilang araw si Jeanelyn pagkatapos na maisagawa ng National Bureau of Investigation ang pag-awtopsiya sa kaniyang mga labi.

Tiniyak naman ni OWWA Administrator Hans Cadac, kasama sa mga naghintay sa pagdating ng mga labi ni Jeanelyn sa Pilipinas nitong Huwebes, na tinututukan ng pamahalaan ang kaso ng biktima.

"Ang ating pamahalaan ay nakamonitor sa proceedings ng Kuwait para sa hustisya, number one para sa pamilya at sa sambayanang Pilipino," ayon kay Cacdac.

Samantala, nagsampa ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ng administrative complaint laban sa recruitment agency Jeanelyn.

Ayon kay POEA Administrator Bernard Olalia, bago masawi ang biktima, hiniling na sa agency na mapauwi si Jeanelyn dahil sa nararanasang pang-aabuso sa amo at hindi tamang pagpapasahod.

Pero hindi raw inaksyunan ng agency ang kahilingan.

Sa ulat ni Glen Juego sa Super Radyo dzBB, sinabi ni Olalia na maaaring makansela ang lisensiya ng recruitment agency dahil sa pagpapabaya. —FRJ, GMA News