Nanawagan ang ilang OFW sa pamahalaan ng Pilipinas na magpatupad ng Selective Balik-Manggagawa Program sa Kurdistan sa harap ng umiiral na deployment ban sa Iraq.
Paliwanag nila, isa ang Kurdistan sa mga pinakatahimik na lugar sa West Asian republic. Kaya dapat umanong payagan ang mga OFW dito na makauwi sa Pilipinas at pagkatapos ay payagan din na bumalik kung nanaisin nila.
Nitong nakaraang taon, nagpatupad ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ng total deployment ban ng OFW sa Iraq sa harap ng iringan ng kalapit nitong bansa na Iran laban sa Amerika.
Ayon sa ilang OFW sa Iraq– partikular ang mga nasa Kurdistan– mas makabubuti ang Selective Balik-Manggagawa Program para sa mga katulad nila.
“Ang Kurdistan Region, kung ihahambing sa ibang lugar sa Iraq, ay ito ang pinaka-safe. May nabasa pa nga akong article na ‘Erbil, Kurdistan, Iraq was tagged as Top 5 Safest City in the World’ way back 2019,” ayon kay Annie Marie Astillo, nagtatrabahong accountant sa isang general trading company.
Idinagdag ng media ang information officer ng Filipino Community sa Kurdistan Region of Iraq (FILCOM ORG KRG), na hindi nagamit ng mga OFW ang pribilehiyo na ibinibigay ng ilang kompanya na payagan silang makapagbakasyon sa Pilipinas dahil sa takot na hindi na makabalik sa trabaho.
“[Pero] simula nung deployment ban ay hindi na nakauwi kaming mga OFW dito sa Iraq. May mga ibang company sana dito na nagbibigay ng bakasyon every 3-6 months ngunit sa kasamaang-palad, hindi na ito nagamit noong nakaraang taon,” ayon sa grupo.
Giit ni Astillo, karapatan nilang mga OFW na makauwi sa kanilang bansa.
“Alam naman namin na ginagawa ito ng ating gobyerno para maprotektahan kaming mga OFWs. Ngunit masasabi ko na hindi lahat ng mga lumalabas sa balita tungkol sa Iraq ay totoo. ‘Wag nating lahatin. Andito kami sa Kurdistan, lugar na mapayapa. Tulad lang din ‘yan sa Pilipinas – merong Luzon, Visayas at Mindanao. Wala kami sa lugar na magulo,” paliwanag niya.
Suportado rin ni Armando Catapang, isang chief accountant sa Royal Can Making Company (RCMC), sa panawagan ng mga kapwa niya OFW.
“For the whole year of 2020, there were incidents of bombing but not grave enough to become a big issue,” pag-amin niya sa isang panayam kamakailan.
“Here in Sulaimaniyah, in fact, I cannot remember any incident of bombing and attacks,” dagdag niya.
Sinabi pa ni Catapang na dumalo rin siya sa nakaraang pagbisita ni Pope Francis sa Iraq.
“Pope Francis held the largest mass in the history of Iraq for the first time, attended by thousands of worshippers, which had been broadcast worldwide. The popes’ visit here in Iraq only suggests that the alert level is down and Iraq is starting to have peace,” saad niya.
Ayon naman sa isang OFW na nagtatrabaho bilang document consultant, kahit noong unang sumalakay ang Islamic State of Iraq and Syria (ISIS), maituturing pa rin umanong "ligtas" ang paninirahan sa Kurdistan.
“The situation was contained in Kurdistan at once and we were safe here together with the other OFWs. We are sending remittances to our country amidst this pandemic and we are aware responsibly that we are safe here,” ayon kay Christine Chatto.
Nagtataka umano siya kung bakit nananatili ang deployment ban sa Iraq pero pinayagan naman sa ibang bansa sa Gitnang Silangan na magpadala ng mga manggagawa.
“During the ban of the Balik-Manggagawa and the deployment of OFWs last year, the government reinstated Lebanon, Iran, and Kuwait, but retained the ban on Iraq until now. I want to make it clear that Kurdistan is an autonomous region that is different from Iraq,” paliwanag niya.
“Even though I have a special visa as an investor here, I still fear that I will not be allowed by the immigration to depart. The reinstatement of the Selective Balik-Manggagawa Program in the Kurdistan Region should really be considered,” dagdag niya.
Ganito rin ang pananaw ni Allan Valiente Parañal, isang secretary and technical documentation specialist.
“Ako ang buhay na patunay na sa bansang ito, napakaganda ng mga opportunities. Maraming Christian churches at may Filipino community na dito recognized by the Philippine embassy sa Baghdad. Compared nung nasa Saudi Arabia ako at sa Libya, mas safe dito kasi may US base naman. Ang klima dito ay same as the Philippines at iba ang situation dito, unlike sa Baghdad,” paliwanag niya sa isa ring panayam Messenger noong Marso 16.
Ang mga oportunidad na ito ang dahilan kaya umano kakaunti lang ang kumuha ng repatriation program ng Pilipinas.
“Iilan lang ang gustong umuwi kasi nga naman pagdating sa Pinas, tengga, mahirap maghanap ng work. Kahit na sabihin na natin that the government will be providing work sa mga OFWs na repatriated, iba pa rin ang nandito sa abroad lalo na sa katulad ko na may pinag-aaral sa college,” paliwanag niya. —FRJ, GMA News

