Hindi man niya binalak noon, naging "passion" naman ng isang lalaki mula sa Isabela ang pagtuturo, at ngayo'y isa nang proud teacher sa Thailand.

Sa Mornings with GMA Regional TV, ikinuwento ni Randy Gambol Ubal na hindi niya "first choice" ang pagtuturo, pero ito ang kaniyang tinahak dahil sa mga pinansyal na pagsubok.

Hanggang sa may mag-alok sa kaniya ng scholarship sa kolehiyo, pero kailangan niyang magtrabaho ng dalawang oras kada araw.

"I want to share and I'm proud to say na grumaduate ako na working student. Ngayon masasabi ko na hindi ako nagsisisi na pinili kong maging teacher or educator. Kasi naniniwala ako na teaching is not a profession," sabi ni Ubal.

"it's just not a profession, it's a ministry. And I believe it's a calling from God. 'Yun ang nagbibigay ng fulfillment sa akin bilang guro," dagdag pa niya.

Taong 2020 nang lumipad si Ubal sa Thailand. Isa na ngayon siyang Grade 4 teacher sa Bangkok.

"Na-realize ko kasi na I have a lot of opportunities abroad, where greener pasture can be experienced. I believe naman na Philippines has always been my comfort zone hanggang ngayon. Pero sabi nga nila, para ikaw ay mag-grow at mas matuto pa, kailangan mong umalis doon sa comfort zone mo," sabi niya.

"Na-realize ko na 'Ah kailangan ko sigurong mangibang bansa, mag-explore pa kasi bata pa ako," dagdag ni Ubal.

Pinuri ni Ubal ang kaniyang Thai students, na angat sa disiplina at respeto.

"Happy Teachers Day sa lahat. Sana mas lumaban pa ang teachers diyan, laban lang po at habaan natin ang ating pasensya," mensahe ni Ubal sa mga kapwa niya guro sa Pilipinas.--FRJ, GMA News