Umaabot umano sa katumbas na halagang P100,000 kada buwan ang natitipid ni Julie Belleza sa gastusin sa bahay at nakatutulong pa sa iba dahil sa ginagawa niyang "pamamasura" o dumpster diving sa Finland.

Sa ulat ng GMA News "Unang Hirit," na mapapanood sa Public Affairs Exclusives, sinabing dalawang taon nang naninirahan sa Finland si Julie.

Isang Thai-Finnish si Julie pero Pinay na Pinay sa puso at pananalita. Aniya, pinapayagan siya ng may-ari ng K-market sa Finland na mag-dumpster diving, o halungkatin ang mga basurahan upang kunin ang puwede pang pakinabangan.

Ipinakita ni Julie ang ginawa niyang pagmamasura sa naturang tindahan nang umalis na ang truck. Samu't saring pagkain tulad ng cauliflower, grillitassu, grapes, at maging litson manok ang kaniyang nakita.

Inaabot si Julie ng dalawa hanggang apat na oras sa pag-dumpster diving.

Ligtas din ang mga nakukuha ni Julie dahil maayos ang waste disposal sa naturang bansa.

Kinukuha ni Julie ang mga well-sealed at packed na mga produkto, kaya naman parang namalengke na rin siya sa mga nakukuha niyang kilo-kilong karne ng baboy, baka, chicken, at groceries tulad ng toyo, patis, mga prutas at gulay.

"So ito na nakauwi na tayo after our panghaharbat of the day. So parang namalengke lang kami ni Mr. Bin," sabi niya sa isang video.

Dagdag ni Julie, malaking bagay ito hindi lang sa kaniyang pamilya kundi maging sa iba na natutulungan nila, tulad ng mga taong nagsisimula pa lang doon.

"Thankful ako kay Lord kasi I was given the opportunity na thru dumpster diving maraming tao, especially yung nagsisima pa lang ng kanilang buhay rito sa Finland ang natutulungan natin," pahayag niya.-- FRJ, GMA News