Nasagip ang ilang Pilipino mula sa isang love scam hub sa Myanmar na nakaranas umano ng torture, at kinukoryente kapag hindi nila naabot sa kanilang "quota."
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, ipinakita ang ilang larawan na makikita ang tinamong bugbog umano ng mga biktimang Pilipino na kagagawan ng kanilang Chinese employer sa bayan ng Myawaddy.
“Hindi po ako makasigaw kasi naka Scotch tape po yung bibig ko nun. Tapos nakaposas po ako, dalawang kamay na nakasabit tapos yung paa ko parang nakapa-ekis. Parang yung that time po naiisip ko po nun gusto ko na lang pong mamatay. Tapos yun na rin ang sinesenyas ko sa lider na patayin niyo na lang po ako. Dumating din po yung time na yung ulo ko hinampas ko sa bed dahil gusto ko na lang po mamatay,” ayon sa biktima na itinago sa pangalang "Jenny.”
Ni-recruit umano si Jenny at isa pang Pinay na itinago sa pangalang “Ai,” ng kanilang kaibigan para magtrabaho bilang call center agents sa Laos noong nakaraang taon.
Pero pagdating sa naturang bansa, ginawa silang love scammers na pinapaibig ang kanilang bibiktimahin para makakuha ng pera sa paraan ng cryptocurrency investments
Nang nagkakaroon na ng hulihan sa Laos noong Setyembre, inaya umano sila ng kaibigan na lumipat sa isang crypto farm sa Myanmar, at nakilala doon ang isa pang Pinay victim na itinago sa pangalang “Rose.”
Dahil sa tindi ng dinanas na torture mula sa mga amo, tumakas umano sila kasama ang may 100 empleyado na mula sa mga bansang Kenya, Uganda, Bangladesh, at Nepal.
“Nagsimula na po kaming tumakbo, may mga guard po na nasalubong namin is pinagpapalo po namin upang makalagpas po sa kanila hanggang sa makarating po kami sa may likod. Sa may likod po na yun may sementong pataas, lahat po kami ay umakyat po dun nagtulungan bawat isa. Pero yung iba po that time is nahuli na po,” sabi ni Jenny.
Umiiyak na sabi naman ni Rose, "Binalik po kami sa black room pinagpapalo po kaming lahat. Parang naiisip namin ito na yata yung katapusan."
Ayon kay Ai, pumasok din sa isip niya noon na wala na silang pag-asang makaliligtas pa.
Ngunit isa sa mga nakatakas na Kenyan ang nag-report sa isang mamamahayag tungkol sa nangyari sa kanila. Sunod nito, kumilos ang Democratic Karen Buddhist Army, ang special forces ng Myanmar, at sinagip ang mga biktima.
“That night nag-process po lahat, sinabi po sa amin na ibabalik na po kami sa country. Bale, nabunutan po kami ng tinik pero may doubt pa rin po kami at kinakabahan hanga’t andun pa kami sa site,” sabi ni Jenny.
Noon Pebrero 19, nakauwi na ng bansa ang tatlong Pinay, at siyam na iba pang Pilipino na nasagip sa naturang crypto farm. Kasama sa nakauwi ang sinasabing kaibigan nina Jenny at Ai.
Ngunit lumalabas sa imbestigasyon ng Department of Migrant Workers (DMW), na may nagpapanggap na distressed OFWs sa kanila.
“They were posing as distressed OFW’s but were actually perpetrators of the crime. So, upon arrival, it was discovered that three of them actually had pending cases in different parts of the metropolis, but one of them was arrested right on the spot,” ani DMW Secretary Hans Cacdac.
Sinabi ni Cacdac na makatatanggap ng tulong pinansiyal at psychosocial examinations at therapy ang mga nasagip. -- FRJ, GMA Integrated News
