Ipinasara ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isang recruitment agency at isang travel agency sa Maynila, na nagsasabwatan umano sa pagkuha ng mga nais magtabaho sa ibang bansa kahit walang active job order. Ang isa nilang biktima, nagsangla ng lupa sa probinsiya para maipambayad sa pagproseso ng aplikasyon.Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing nagsumbong sa mga awtoridad ang isang biktima na itinago sa pangalang “Clem,” dahil hindi pa rin siya nakakaalis para magtrabaho bilang fruit picker sa ibang bansa kahit nagbayad na siya ng P100,000 para sa placement fee.Nalaman din niya na peke umano ang ibang dokumento na ibinigay sa kaniya. Nang puntahan ng mga awtoridad ang recruitment agency na Reliable Recruitment Corp., walang tao rito kaya nilagyan na ng “closure order.”Ayon sa ulat, nakasaad sa batas na dapat may active job order na makikita sa data base ng DMW ang isang recruitment agency para makapag-alok ng trabaho sa ibang bansa.Sa imbestigasyon ng pulisya, nalaman na may kasabwat umanong travel agency ang naturang recruitment agency.Sa isang operasyon, nagpanggap na aplikante ang isang police asset na nagpunta sa Reiven Air Travel Tour and Consultancy.Hiningan umano ang police asset ng P70,000 para maiproseso ang aplikasyon, kaya inaresto ang kaniyang katransaksiyon, at ipinasara din ang naturang travel agency.Ayon kay Usec. Bernard Olalia ng DMW, may mga nakitang nakalagay sa envelop na papaalis o pinoproseso ang aplikasyon sa travel agency.“Saan ka nakakita ng isang travel agency na puwedeng mag-recruit at magpaalis ng OFW?,” anang opisyal.Sinubukan ng GMA Integrated News na makuhanan ng pahayag ang dalawang agency pero wala pa raw maaaring magsalita para sa kanila sa ngayon. – FRJ, GMA Integrated News