Natagpuang patay ang isang tatlong-taong-gulang na babae sa Tinambac, Camarines Sur. Mayroon siyang sugat sa ulo at hinihinalang biktima ng panghahalay.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News TV "State of the Nation with Jessica Soho" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Mica Azaña, na nakita ang bangkay sa damuhan na hindi kalayuan sa kanilang bahay.
Ayon kay Marites na ina ng biktima, may kalaro raw noon ang kanilang anak na dalawang bata pero nang kunin ng magulang ang dalawang bata ay iniwan naman ang biktima.
Wala nang mga sandaling iyon ang mga magulang ng biktima dahil nasa hanapbuhay at kinabukasan na nila nakita ang bangkay ni Mica na walang saplot pang-ibaba.
Nagtamo ng pinsala sa bungo ang bata na pinaniniwalaang dulot ng pagpalo ng bato ng salarin.
Ayon sa pulisya, na hindi nila inaalis ang posibilidad na inabuso ang bata at patuloy pa ang kanilang imbestigasyon.
Bagaman mayroon ng itinuturing person of interest ang mga awtoridad, wala pa rin umanong testigo na makapagsasabi kung sino ang salarin.
Kaya naman nanawagan ang mga magulang ni Mica sa may nalalaman sa krimen na tulungan silang makamit ng biktima ang hustisya. -- FRJ, GMA News
