Pinaniniwalaang inatake ng pating ang isang mangingisda na nawawala sa laot sa Zamboanga del Sur noon pang Miyerkoles, ika-4 ng Abril.
Sa ulat ni GMA News stringer Aude Hampong, kinilala ang biktima na si Boyet Duran, 29-anyos, na biglang naglaho nang sumisid ito sa ilalim ng isang payao o fish shelter.
Kuwento ni Nicanor Sandoval, ang kapitan ng fishing vessel kung saan nagtrabaho si Duran, nasa 12 silang pumalaot kabilang ang biktima.
Ayon kay Sandoval, dakong ala-una ng madaling-araw noong Miyerkoles nangyari ang pagkawala ni Duran.
Paulit-ulit umanong bumaba sa dagat mula sa bangka si Duran at mukhang may binabantayan sa ilalim ng payao.
Sinaway umano ni Sandoval ang pabalik-balik na pagsisid ni Duran, pero nagpupumilit umano ito at nangakong may mahuhuli siya sa kanyang pag-ahon.
Humingi ng lubid si Duran na gagamitin niyang panghila sa payao. Matapos sumisid hawak-hawak ang lubid, na hawak naman ng mga kasamahan ang kabilang dulo, hindi na ito umahon pa.
Nang sundan ng mga kasama ang dulo ng lubid, hindi na nila nakita si Duran.
Sa panayam ng GMA News kay Adonis Marzo, deputy commander ng Philippine Coast Guard ng Zamboanga del Sur, sinabing nagtungo umano sa kanilang tanggapan ang pamilya ng biktima at mga kasamahan nitong mangingisda at ine-report ang pangyayari.
Paniwala ng mga kasamang mga mangingisda, maaari umanong inatake ng pating si Duran.
Pero hindi pa rin nawawalan ng pag-asa si Rian Mae Apog, ang live-in partner ni Duran, na buhay pa ito at mahahanap pa. —LBG, GMA News
