Kahit itinago sa maselang bahagi ng kanilang katawan, bistado pa rin ang tatlong babae na nagtangkang magpasok ng droga sa Cebu City Jail nitong Huwebes.

Sa ulat ni Nikko Sereno sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Biyernes,  kinilala ang tatlong naaresto na kasamang dadalaw sa mga bilanggo na sina Estelia Orcullo, Rosalina Baylosis, at Tennie Olaño.

Ayon sa mga awtoridad, unang nasita ng mga guwardiya dakong 9:00 am nitong Huwebes si Orcullo, na nakuhanan ng aabot sa 100 gramo ng pinaniniwalaang shabu na itinago sa loob ng kaniyang ari.

Isang makaraan nito, sunod namang nadakip si Baylosis na nakitaan sa kaniyang ari ng isang selyadong maliit na pakete na may laman din na hinihinalang shabu.

Hindi nagtagal, si Olaño naman ang nakuhaan ng sampung ampules ng "Nubain," na ibinalot sa condom, at inilagay rin sa pribadong bahagi ng kaniyang katawan.

"Actually, sumenyas pa siya sa kaniyang kasama na nahuli siya.  Pero hindi lang siguro nakuha ang kaniyang pasa-bilis at patuloy pa rin ang pagpasok, so mga less than an hour ito naman, nubain naman [ang nakuha]," ayon kay Police Superintendent Renante Rubio, Warden Cebu City Jail.

Sinabi ng mga nahuli na hindi sila magkakakilala at pinag-utusan lang na dalhin ang kontrabando sa loob ng kulungan kapalit ng bayad.

Nangako ang tagapamahala ng piitan na patuloy nilang hihigpitan ang pagsusuri sa mga dumadalaw sa mga bilanggo para matiyak na walang drogang makapapasok sa kulungan.-- FRJ, GMA News