Arestado ang isang tricycle driver sa Davao City matapos siyang ireklamo ng panghahalay sa pasahero niyang 14- anyos. Pero giit ng suspek, kasintahan niya ang dalagita at hindi niya alam na menor de edad ito.

Sa ulat ni Real Sorroche sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, kinilala ang suspek na si Darrel Valiente, na inaresto ng Buhangin police.

Ayon sa pulisya, sumakay ang biktima sa tricycle ni Valiente para magpahatid sa bahay pero dinala raw ng suspek ang biktima sa madamong bahagi ng Sun City at doon ginahasa.

Depensa naman ng suspek, may relasyon sila ng biktima at hindi niya ito pinilit na may mangyari sa kanila.

Gayunman, hindi raw niya alam na menor de edad ito at bago palang sila na kasintahan.

Ang ina umano ng dalagita ang nagsampa ng reklamo laban sa kaniya dahil gabi na nang ihatid ang babae sa bahay.

Ayon pa kay Valiente, hindi alam ng ina ng dalagita ang kanilang relasyon.

Sinabi naman ng pulisya na iginiit ng dalagita na wala siyang relasyon ng suspek at sinabihan lang siyang magpapagarga ng krudo nang mapansin niya na ibang direksyon ng daan ang kanilang tinahak nang magpahatid siya sa bahay.

Nasampahan na ng mga reklamo ang suspek kabilang na ang panghahalay.-- FRJ, GMA News