Patay sa pananaksak ang isang pahinante ng truck sa Mandaue City, Cebu. Ang suspek, pinaniniwalang napikon matapos umanong tawaging bakla ng biktima.
Sa ulat ni Chona Carreon ng RTV-Balitang Bisdak sa "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabing nagtamo ng mga tama ng saksak sa iba't ibang parte ng katawan at laslas ang leeg ng biktimang si Wilrey Caputolan, 33-anyos.
Matapos gawin ang krimen, tumakas ang 38-anyos na suspek na si Adelito Bacus, pero naaresto rin siya ng mga awtoridad kinalaunan.
Batay sa imbestigasyon, umaga nitong Linggo nang magkasagutan ang biktima at suspek. Kinahapunan dakong 3:00 p.m., sinugod umano ni Bacus ang biktima sa labas ng bahay at saka pinagsasaksak.
Lasing daw noon ang suspek nang gawin ang krimen.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na posibleng napikon si Bacus kay Caputolan dahil tinawag at sinigawan umano ng biktima na bakla ang suspek.
"Kuwento ng iba, tinawag na bakla ng biktma ang suspek, sinigawan daw na bakla. May iba rin naman nagsabi na hindi daw sila magkakilala," sabi ni Chief Inspector Mercy Villaro, MCPO spokesperson.
Mahaharap sa kasong murder si Bacus na hindi umano nagbigay ng pahayag. --FRJ, GMA News
