Patay na nang matagpuang ang isang lady guard sa binabantayan niyang establisimyento sa Davao City. Ang biktima, posibleng pinagtangkaang gahasain ng salarin.

Sa ulat ni R-Gil Relator ng RTV-One Mindanao sa "Balita Pilipinas" nitong Martes, kinilala ang biktima na Arlene Salpa, 24-anyos, at guwardiya sa isang surplus display center sa Barangay Dumoy sa Davao City.

Tubong-Cotabato ang biktima at nagtungo lang sa Davao City para magtrabaho.

Ayon sa pulisya, posibleng hinampas ng matigas na bagay ang ulo ng biktima, na nakitang nakahandusay at wala nang buhay nitong Sabado.

Posible rin daw sinubukang gahasain ng salarin si Salpa dahil tila sinubukang hubarin ang pantalon ng biktima.

"She's the typical target. Kasi maganda siya and she's vulnerable kasi nag-iisa lang siya sa bodega. Kaya kinukuwestiyon namin ang may-ari ng business establishment bakit nila-lockup," sabi ni P/Sr. Supt Alexander Tagum, hepe ng DCPO.

Wala pang pahayag ang pamunuan ng establisimyentong binabantayan ng biktima.
May persons of interest na ang mga awtoridad na iniimbestigahan.

Posible raw na may access sa loob ng tindahan ang salarin kaya madali itong nakapasok sa compound.-- FRJ, GMA News