Lima na ang bilang ng namatay matapos uminom ng lambanog sa Sta. Rosa, Laguna.
Ang ikalimang biktima ay kinilala ng Sta. Rosa Police na si Florentino Barlao, 52 anyos, ayon sa ulat ni John Consulta sa Balitanghali nitong Linggo sa GMA News TV.
Namatay si Barlao pasado alas dos ng hapon nitong Biyernes.
Ayon kay Police Superintendent Eugene Orate, hepe ng Sta. Rosa Police, nag-iikot sila sa mga tindahan sa Sta. Rosa para kumpiskahin ang brand ng lambanog na ininom ng limang biktima.
"Ang huling ininom nila ay ang Bossing Tomador na lambanog, at 'yan din po ang lumalabas sa aming imbestigasyon," ani Orate.
"Ito nga pong grupo na nag-inom ng lambanog ay naka-consume ng isa't kalahati na litro ng lambanog na 'yan," dagdag pa niya.
May lead na rin daw ang pulisya kung saan galing ang lambanog, at may kinokonsidera na silang person of interest.
Batay sa death certificate ng dalawang biktima na dinala sa Philippine General Hospital, namatay sila dahil sa methanol toxicity.
Sinuri rin ng Food and Drug Administration ang lambanog samples na ininom ng mga biktima at nakita nilang mayroon itong 11 to 16 percent ng methanol.
Ayon sa FDA, ang higit sa 0.1 percent na methanol ay nakamamatay.
Umabot na sa 11 ang namatay matapos uminom ng lambanog sa Calamba at Sta. Rosa sa Laguna. —KG, GMA News
