Patay ang tatlong umanong drug suspek nang mauwi sa barilan ang isang buy-bust operation nang makahalata ang mga target na mga pulis ang kanilang katransaksyon sa San Jose del Monte, Bulacan.
Sa ulat ni Cecille Villarosa sa GMA News "Balitanghali Weekend" nitong Sabado, kinilala ang mga suspek na sina Roger Angelo Polonan alyas "Rogie" at George Abellanosa alyas "George," mga nasa watch list umano ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ng Barangay Santo Cristo.
Nabulabog na lamang ang mga residente ng Carissa 6 Subdivision, Barangay Santo Cristo sa nangyaring barilan.
Isa sa mga suspek ang humandusay sa madilim na gilid ng kalsada kung saan nangyari ang transaksyon.
Ang isa pa, humandusay malapit sa kulungan ng mga hayop, hindi kalayuan sa puwesto ng naunang suspek.
Dumausdos naman sa bangin ang isa pang drug suspek nang mabaril siya ng pulisya habang sakay ng motorsiklo. Tumilapon din ang motor niya sa bangin.
Inaalam pa ang kaniyang pagkakakilanlan.
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang tatlong .38 revolver na ginamit umano ng mga suspek.
"Sila particularly dito sa Barangay Santo Cristo, sa mga subdivision ang tinatarget nilang paglalakuan. So hopefully, mabawas bawasan na 'yung nagdi-distribute ng illegal drugs dito," pahayag ni Senior Supt. Chito Bersaluna, director ng Bulacan Police.
Samantala, arestado rin ang apat pang drug suspek sa isang bahay malapit kung saan nangyari ang buy-bust operation, kabilang ang isang babae habang nasa gitna umano ng drug session.
Sinasabing sa bahay na iyon din nanggaling ang mga napatay na salarin bago sila nakipagkita sa mga undercover na pulis. —Jamil Santos/LBG, GMA News
