Patay ang dalawang batang magkapatid at kanilang pinsan nang makulong sila sa nasusunog nilang bahay sa Mati City, Davao Oriental. Ang ina ng magkapatid, nasa trabaho daw nang mangyari ang trabahediya habang nakakulong naman ang kanilang ama.

Sa ulat ni RGil Relator ng RTV-One Mindanao sa "Balita Pilipinas" nitong Martes, kinilala ang magkapatid na biktima na sina Ahmily Earl Halipa, 10-anyos, at Chris Herish, tatlong-taong-gulang. Nasawi rin ang pinsan nilang si Alicia Denise Halipa, 8-anyos.

Dakong 11:30 pm umano noong Biyernes nang nagkaroon ng sunog sa Purok Masagana 9 Andravel sa Barangay Central at mabilis na kumalat ang apoy dahil dikit-dikit ang mga bahay.

Iniwan umano ng ina sa kanilang bahay ang tatlong bata dahil nagtatrabaho ito habang nasa bilangguan ang kaniyang mister.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection, sirang wire ng kuryente ang hinihinalang pinagmulan ng sunog.

Umabot sa 50 bahay ang natupok ng apoy at tumagal ang sunog ng apat na oras.
Pansamantalang pinatira ang mga naging biktima ng sunog sa gym ng barangay at kaagad namang nagbigay ng tulong ang pamahalaang panlalawigan. --FRJ, GMA News