Nag-viral online ang matagumpay na pagsagip ng isang babae sa manganganak na asong hindi makahinga.
Ayon sa ulat ni Mav Gonzales sa Balitanghali Weekend ng GMA News TV nitong Linggo, nanghina ang buntis na aso at tumigil sa paghinga bago pa man nito mailabas ang mga tuta.
Agad namang rumesponde ang video uploader na si Zabs Mollo at ang kaniyang tiyahin.
Hinimas nila ang tiyan ng aso at hinipan ng hangin ang ilong nito para matulungang makahinga.
Mapalad na nakaligtas ang aso at ang mga tuta nito.
Itinuro naman ng isang beterinaryo ang tamang paglalapat ng CPR sa mga aso sakaling magkaroon ng katulad na emergency.
"First you have to check 'yung circulation kagpag dun sa chest area niyan tumitibok 'yung heart. Pangalawa, kung humihinga ba sila tapos kailangan mo i-check 'yung airways nila kung may nakaharang sa ilong," paliwanag ng nakapanayam na beterinaryo.
Kung tuta pa lang ang alaga, kailangan daw na mas banayad ang pressure sa pag-CPR dahil mahina pa ang ribcage nito.
Dapat ilagay ang apat na daliri sa ilalim ng katawan ng tutang nakahiga nang patagilid saka mag-apply ng pressure gamit ang hinlalaki.
Kung malaki na ang aso, dapat itong ihiga nang patagilid saka bigyan ng pressure ang katawan gamit ang dalawang magkalapat na kamay.
Gawin daw ito nang 10 beses saka hipan nang dalawang beses ang ilong ng aso.
Paalala ng beterinaryo, mag-ingat sa pag-CPR dahil pwede pa ring makakagat ang aso.
Huwag daw ibaluktot ang katawan ng aso dahil pwedeng lumala ang fracture nito sa buto kung mayroon man.
Hindi rin dapat piliting painumin ng tubig ang alaga kung nahihirapan itong lumunok dahil posibleng mapunta ang tubig sa baga nito. —Dona Magsino/LBG, GMA News
