Patay ang isang security guard sa Dagohoy, Bohol matapos madisgrasya sa kalsada.
Ayon sa ulat ni Jam Sisante-Cayco sa GMA News TV "Balitanghali Weekend" nitong Linggo, pauwi na sana ang biktimang si Nilo Hañola sakay ng kaniyang motorsiklo nang mangyari ang aksidente.
Nag-overtake umano ang biktima sa isang multicab pero hindi niya napansin ang paparating na bus sa kabilang lane kaya't bumangga siya rito, base sa imbestigasyon ng mga awtoridad.
Kahit nakasuot ng helmet, matinding pinsala ang tinamo ni Hañola dahil sa tindi ng pagsalpok.
Idineklara siyang dead on arrival sa ospital.
Patuloy naman ang imbestigasyon sa aksidente. —Dona Magsino/LBG, GMA News
