Patay na at nakasilid sa eco bag ang isang limang-taong-gulang na babae na unang inireport sa pulisya na nawawala sa Santa Cruz, Laguna.

Sa ulat ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing unang inireport sa pulisya ang pagkawala ng bata habang naglalaro sa labas ng bahay kung saan nagtatrabaho ang kaniyang ina.

Pero makalipas lang ng ilang oras, natagpuan na ang biktima na walang buhay at nakasilid sa eco bag.

Naaresto naman ang suspek na si Glenn Ford Manzanero na umamin umano sa karumal-dumal na krimen.

Ayon sa suspek, nawala umano siya sa sarili at sinaksak ang biktima gamit ang kutsilyo at screwdriver.

Labis umano ang kaniyang pagsisisi sa kaniyang nagawa.

Isasailalim naman sa autopsy ang biktima para alamin kung ginahasa ang biktima.

Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, sinabing nakita ang bangkay ng bata sa kusina ng suspek.

Inamin umano ng suspek nasa impluwensya siya noon ng shabu at nawala raw siya sa sarili kaya nagawa ang karumal-dumal na krimen.

Ayon sa pulisya, kilalang drug user sa lugar si Manzanero. —FRJ, GMA News