Inirereklamo hindi lang ng mga residente, kundi maging mga negosyo, ang masangsang na amoy na nanggagaling sa isang bakateng lote sa Marilao, Bulacan.
Nanakit ang mata, ilong, ulo at nahirapan sa paghinga ang ilan sa mga nakaamoy ng umano'y kemikal.
Partikular na apektado ng masangsang na amoy ay ang mga residente ng Barangay Prenza Dos sa bayan ng Marilao.
Martes pa raw ng gabi nang magsimula ang amoy at lalo itong tumindi noong Miyerkoles.
Nagmula umano ang mga kemikal na itinapon sa bakanteng lote sa isang kumpanyang gumagawa ng boiler machines.
Sinuspinde noong Miyerkoles ang operasyon kumpanya dahil nasa likuran lang nila ang bakanteng lote.
Nakita pa nga raw ng ilang empleyado nito ang mga truck na nagtatapon ng umano'y kemikal sa lugar.
"Tatlo po kanina ang itinapon na kwan pagka-dump niya umuusok siya. Tinakbo namin na ano eh naitapon na ngayon nung napuntahan namin na ano tinatakpan na ng backhoe yung itinapon nila," pahayag ni Virgilio Flores, maintainance worker ng Enertech System Industries, Inc.
Ilan sa mga empleyado ang nakaranas ng pananakit ng ulo at nahirapan sa paghinga.
"Kapag naamoy mo 'yun talagang iiwasan mo dahil masakit sa ilong, masakit pa sa mata parang naramdaman ko kanina medyo sumakit ulo ko," Ayon naman kay Samuel Padron, security guard ng Enertech.
Agad naman daw umaksyon ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at Bureau of Fire Protection.
Nagbigay ng face mask sa mga residente at nakahanda rin ang mga ambulansya sakaling may kailangang dalhin sa ospital.
Apektado ang may 1,000 pamilya sa paligid ng bakanteng lote, ayon sa municipal administrator.
Inaalam na kung anong kumpanya ang nagtapon ng umano'y kemikal.
"Kasi ang lote ay pagmamay-ari ng isang pribadong tao na ang alam ko ay ang hanapbuhay, ayon sa report ng ating business permit, ay gumawa ng mga kaldero," pahayag ni Wilfredo Diaz, municipal administrator
Kumuha na rin ng sample ng kemikal na itinapon sa lote at isinumite sa regional office ng denr para matukoy kung ano ang nagdudulot ng masamang amoy sa lugar. —LBG, GMA News
