Malalim na saksak sa kaliwang tagiliran ang pinaniniwalaang kumitil sa 29-anyos na si Lorilyn Delos Santos.
Bukod sa duguan, wala na rin siyang saplot nang matagpuan ng mga pulis sa kanyang kwarto sa Cardona, Rizal nitong Linggo ng madaling araw.
Napauwi tuloy sa Pilipinas ang kanyang mister na dalawang linggo pa lang nasa Canada para maghanapbuhay.
"Hindi ko po maipaliwanag kung gaano kasakit. Gusto ko sila mabigyan ng magandang buhay madala lahat sa Canada. Pero ganito nangyari," ayon sa asawa ng biktima na si Archie Delos Santos sa ulat ni Mariz Umali sa Saksi nitong Huwebes.
Ang doble dagok para kay Archie, kadugo niya pa ang nasa likod ng krimen: ang pamangkin na si John Paul Campo.
Ayon sa mga pulis, mahimbing nang natutulog si Lorilyn nang pasukin ang kanilang bahay ni Campo upang magnakaw.
Bago mangyari ang krimen, nakipag-inuman daw muna sa mga kapitbahay si Campo.
Nang makapasok sa kwarto, kinuha ng suspek ang cellphone, pero nagising ang biktima, na tinakpan ang bibig bago naisip gahasain. Nanlaban umano si Lori kaya niya pinatay.
Bukod sa kutsilyong na-recover sa kama kung saan nakahandusay ang biktima, may sombrero ring naiwan sa crime scene na pinaniniwalaang kay Campo.
Nitong Lunes, mismong si Campo ang sumuko sa pulisya.
Sinubukan ng GMA News na kunan ng pahayag ang suspek, pero tumanggi itong magbigay ng komento.
Pero sa kanyang extra-judicial confession, sinabi niyang sumuko siya para panagutan ang nagawang krimen.
Sasampahan ng kasong robbery and rape with homicide ang suspek, pero kahit sumuko na hindi pa rin daw lusot ang iba pang mga itinuring na persons of interest hangga't di lumalabas ang resulta ng fingerprint matching at medico legal.
Dati na rin daw nakulong nang mahigit dalawang taon si Campo dahil sa kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act. —JST, GMA News
